Nakakabighani. Kahit sa konting sandali na nakita ko ang mga ibong dumaan sa itaas, marami na akong nakuha. Isa na riyan ay hindi mo matiwalag ang mga ibon. Meron daw siyentipikong dahilan kung bakit ang mga ibon ay nagsasama-sama at karaniwang nag-leletrang “V” ang hugis. Ang pagtitipon daw nila at pag hugis ng “V” ay nakakatulong upang manatili ang balanse at bilis nila sa paglipad. Mas mahirap daw lumipad kapag ang ibon ay nag-iisa lamang. Kaya pala wala akong nakitang ibong nag-iisa, at kung meron man, kokonti lamang. Ika nga, aerodynamics ng paglipad ng mga ibon. Kahit mga hayop pala may alam din sa agham ng kanilang laging ginagawa.
Pero kahit nakikita mo sila, di ka nila napapansin. Kumaway ka man, sumigaw, sumayaw, o tumalon, wala pa rin. Malayo nga, eh. Kahit na nakatutok kang nakatingin sa kanila, parang wala lang. Patuloy pa rin sila sa paglakbay, sa pagtahak sa daan sa ibabaw. Kaya nga nariyan ka lang sa ilalim, nakatingin sa bawat malumanay na hampas ng kanilang pakpak.
Sana malaya rin ako, parang ibon...