Linamon ng anino ang liwanag.
Nawawala sa kawalan, walang katiyakan sa oras o sa sarili. Hindi mapakali sa init na humahaplos sa aking balat, kaya pinili na lang na umupo.
Hindi na makakita. Hindi makarinig. Hindi makaamoy. Hindi makalasa. Hindi makaramdam. May liwanag na dumaan! Pero saglit lang ito. Nawala rin bigla. Ipinikit ko na lang ang aking mga mata, na umaasang matatapos rin ito. Isa lang itong masamang panaginip. Pero sa halip na makagising, ay bigla kong nakita ang isang bata. Natatago ang mukha. Sino siya?
Isang batang lumalaro, tumatakbo kasama pa ng iba. Nakikipagusap sa kahit sino lang. Inaanyaya ang kanyang mga kaibigan na kumain, maglaro. Sinasabihan ang kanyang mga magulang ng, "I love you." Kumakanta sa harap ng kanyang mga kamag-anak.
Sino siya?
Yinayakap ang mga tao sa paligid. Hinahagis ang bola sa hangin - shoot sa ring! Naliligo sa dagat. Kahit hubo't hubad, walang pakialam. Nagkaroon ng crush, sinabi sa magulang kung sino. Nagpapaalam na hindi makatulog sa bahay. Umalis ang nanay para sa trabaho sa malayo. Umiyak.
Sino siya?
Umaakyat sa stage, bumaba. Maraming nakasabit sa kanya. Nagpapaalam sa mga kaibigan at sa kaibigang hindi nya na makikita pa. Umiyak.
Nakatalikod siya sa akin. Linapitan ko siya.
Gusto ko maging katulad niya. Sinasabi ang kanyang loob na walang pag-alinlangan. Ginagawa ang kanyang mga gusto. Pero...bigla siyang tumahimik. Hindi naman siya umiiyak. Tinanong ko siya kung bakit. Hindi sumagot. Lumapit pa ako. Abot kamay ko na siya, tinanong ko ulit. Hindi pa rin sumasagot. Dahan-dahang inabot ng aking kanang kamay ang kanyang kaliwang balikat. May pag-aalinglangan. Sige lang, kawawa naman siya. Pero nung nasanggi ko na siya ay biglang kumalat ang liwanag. Nakakasilaw. Nakakasilaw ang liwanag.
'Di rin tumagal. Saglit lang ay bumalik na ang paningin ko. Ang bata ay nakaupo sa silya. Kasama ang kanyang mga kakalase. May ginagawa sila sa mesa. Parang isang maliit na bahay. Isang palapag, pula ang bubong, puti naman ang pintura ng mga haligi. May mga bintana sa palibot at may pintuan sa magkabilang dulo. Parang okay naman, parang tapos na. Biglang sinabi ng bata na dapat ayusin ang mga halaman na pumapalibot rito. Dapat maayos ang pagkalagay. Ayaw ng kanyang mga kasama. Sabi nila tama na iyon, hindi naman daw ito mapapansin ng guro. Nagdahilan ang bata. Pabirong kinantsawan siya ng kanyang mga kasama, pero sumangayon din ang mga ito. Tumawa lang ang bata. Umihip nang kaunti ang hangin. Na-puwing ako. Kumurap ako, at kinuskus ang aking mata.
Pagmulat ko ay nakita ko uli ang bata. Pero nasa ibang lugar na kami. Walang nasa paligid maliban lang sa isang mababang ring sa harap ng bata. Hawak-hawak ng bata sa kanyang maliit na mga kamay ang isang bola. Tumingin siya sa akin. Hindi ko pa rin maaninag ang kanyang mukha. Malabo pa rin ang paningin ko. Nag-dribol siya. Tumingin sa ring. Tumigil siya ng pag-dribol. Pinagitan ang bola sa kanyang mga kamay. Binaluktot niya ang kanyang mga tuhod. Dahan-dahang itinaas ang bola, itinuwid ang kanyang mga paa, tumalon nang mababa lamang, at inihagis ang bola. Dahan- dahan ring pumataas ang bola, lumilibot habang ito ay umaakyat. Bumaba na rin ito - malapit na lang sa ring. Patuloy pa rin ito sa pag-ikot. Bumababa pa rin. Papasok na ata. Ayan na, konti na lang. Papasok na talaga. Walang duda.
Umiral uli ang liwanag. Nakakasilaw.
Pagtingin ko nakaupo ang bata. Ako ay nasa malayong sulok. Sa harap niya ang kanyang ina. May doktor. Parang nasa klinika. Nag-uusap sila. May sinabi ang doktor. Hindi ko marinig nang mabuti. Lumapit ako. Hindi na raw...hindi na uli. Makakasama...tumahimik. Yan na lang ang aking naabutan. Yumuko ang bata. Tumayo na ang nanay niya, nagpasalamat sa doktor, kinamayan. Kinuha ang kamay ng bata, pinapatayo. Tumayo na rin ang bata, at dahan-dahan na silang tunungo sa pinto. Binuksan nila ito, at lumabas na. Sumunod naman ako, hinahabol bago masara ang pinto. Pero nasara na. Nang nasa pinto na ako ay nag-alinlangan ako na buksan ito. 'Di bale na, binuksan ko pa rin. Lumabas ako.
Tumambad sa akin ang mga taong nag-aaway. Nagsasagutan. Lumuluha. Hinanap ko ang bata. Ayun, nariyan lang siya sa malapit. Tinitingnan niya lang ang mga umaaway. Bigla siyang umiyak. Kaibigan niya siguro ang dalawa. Bakit wala ba siyang ginagawa? Sinasabihan ng isa ang kanyang kaharap na kung bakit ba siya tinatawag na ganito, ganyan. Bakit pinaguusapan siya na wala naman siyang ginagawa. Umiiyak lang ang bata.
Tumahimik lang bigla. Pero patuloy pa rin silang nag-aaway. Wala akong marinig, walang tunog na lumalabas sa kanilang bibig. Tumalikod na lang ako, pero tumambad naman sa akin ang bata. May kaharap siyang kaibigan. May sinasabi ang bata. Hindi ko marinig. Sumagot naman ang kaharap niya na kung bakit ba hawak ng bata ang bag niya. Walang pakialaman. Sasagot sana ang bata, pero patuloy pa rin sa pagsambat ang kaharap niya. Hindi na makasagot ang bata. Yumuko na siya. Tumulo na ang luha. Patuloy pa rin sa pagsigaw ang kaharap niya. Tumutulo pa rin ang luha. Tinalikuran na siya. Umalis na ang kanyang kaharap. Umiiyak pa rin ang bata. Nakayuko. Nag-alinlangan pa rin ako, pero linapitan ko siya. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya. Pumunta ako sa kanyang harapan. Yumuyuko pa rin siya. Umiiyak. Naisipan kong lumuhod. Makikilala ko na rin ang bata. Ipapatong ko na sana ang aking kanang kamay sa kanyang kaliwang balikat, pero nag-alala ako. Pero, di bale na. Bahala na. Dahan-dahan kong ibinaba ang aking kanang kamay. Naipatong ko sa kanyang kaliwang balikat. Di parin siya tumigil sa pag-iyak. Unti-unti na akong lumuhod, hanggang ang mga tuhod ko ay nakalapag na sa lupa. Tinabunan niya ng kanyang kaliwang kamay ang kanyang mukha. Tinanong ko siya kung bakit niya pinakialaman ang bag. Pinapahid pa rin niya ang kanyang luha. Tumingala ako. Humarap sa kanyang mukha. Kinuha ko gamit ng aking kanang kamay ang kanyang kamay mula sa kanyang mukha.
Tumambad ang liwanag. Nakakasilaw. Nakakasilaw na liwanag. Pumikit ako. Pumikit ako nang matindi. Tinakpan ko ang aking mga mata ng aking mga kamay.
* * *
Binuksan ko ang aking mata. Ang araw. Lumabas ang araw sa likod ng mga ulap. Parang nanibago ako sa silaw ng liwanag. Nakikiayon pa ang aking mata sa biglang pag-liwanag.
Bumalik sa isipan ko ang bata. Parang ang saya-saya naman niya. Mapagmahal na anak, huwarang mag-aral, mabuting kaibigan. Pero, bakit ba siya tumahimik? Ano kaya ang dahilan?
* * *
Narito pa rin ako sa malawak na soccer field. Ang mga damo ay sumusunod sa malamig na simoy ng hangin. Ang mga ibon ay lumilipad patungo sa langit.
Papalubog na ang araw. Magtatakip-silim.
2 comments:
kaya pala palagi mong binabanggit ang mga salitang "malikhaing pagsusulat sa Filipino".. mahilig ka pala dyan.. who's the kid? uyyyy... beholden... musta na john? long time no see.. uh, 1 day? hehe... hayyyy john dale.. ano 2? dream? or imagined sequence of a movie?..
duh, I defy the basics in grammar use of filipino. talk of incomplete sentences...
it's purely fictional...
^_^
Post a Comment